Bumulaga sa isang fire volunteer ang natupok nilang tahanan nang madamay ang kanilang tirahan sa sunog na sinaklolohan nila sa Barangay Gen. T. de Leon, nitong Lunes ng madaling araw, Agosto 17, 2026.
Sa panayam sa kaniya ng media, makailang beses umano siyang nagdadasal habang patungo ang kanilang grupo sa kanilang lugar upang rumesponde. Aniya, paulit-ulit daw niyang hinihiling na huwag madamay ang kanilang tahanan.
Subali’t pagdating umano nila sa lugar, ilang mga kapitbahay na ang sumalubong sa kaniya at iginiit na natupok na ng apoy ang dalawang palapag nilang tahanan.
“Wala na po. Ubos na po ‘yung bahay namin,” saad niya.
Ilang beses na umano siyang rumesponde at tumulong sa kanyang kapwa bilang fire volunteer. Nguni’t sa pagkakataong ito, nakita niyang unti-unting nilalamon ng apoy ang lugar na tinatawag niyang tahanan.
Dagdag pa niya, “Napakasakit sa part na ikaw mismo, fire volunteer, ang nasunugan.”
Samantala, nagpapasalamat na lang daw siyang ligtas at walang nasaktan sa kaniyang pamilya lalo na sa mga anak niya.
Kasama sa mga natupok ng apoy ang lahat ng kanilang gamit sa loob ng bahay at wala rin silang naisalba na kahit ano.
Sa kabila nito, determinado ang naturang fire volunteer na makakabangon silang muli at magpapatuloy pa rin daw siyang magseserbisyo sa kanilang komunidad.
Trending
- Sibilyan empleyado ng SulKud PNP patay sa ambush
- Sekyu ‘di pinasweldo, hinostage ang menor kapitbahay
- 15 guro nasagip sa rumaragasang ilog
- Pulis putol kamay sa taga ng baliw
- Mag-asawa at anak natagpuang patay sa loob ng bahay
- Janine Gutierrez umaming niloko ng boylet
- Topacio at Ogei bati na
- Netizens kinulit si Pia
