Ipinakita ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang bahay niya sa Davao City na pinasok ng baha makaraan ang malakas na pag-ulan.
“Ito ang bahay ko sa NHA Bangkal, Brgy. Talomo, Davao City. Kahit i-check pa sa Register of Deeds, nakapangalan sa aming mag-asawa ang titulo niyan. Kaya oo, residente rin ako ng Davao City. At oo, may karapatan akong magtanong,” sabi ni Torre sa kanyang Facebook post.
“Hindi ito ang unang beses na binaha ang bahay na iyan. Hindi lang ako nagpo-post dahil ayaw kong makulayan ng pulitika. Pero darating talaga ang panahon na kailangan nang itanong kung bakit paulit-ulit pa rin itong nangyayari.”
Dahil sa paulit ulit na baha, nagtanong ang dating Philippine National Police chief kung ano na ang nangyari sa flood control program sa kanilang lungsod.
“Marami ang nagsasabing normal lang daw ito dahil sa mountain runoff at catch basin ang Davao City. Maaaring totoo iyon. Pero hindi naman bago ang bundok. Hindi rin bago ang ulan. Kung alam na pala natin ang problema, mas lalo dapat alam na rin natin ang solusyon,” aniya.
Matatandaang napaulat na may P51 bilyong halaga ng flood control projects ang nailaan sa Davao City.
“Kaya nga tayo gumagastos ng bilyon-bilyong piso sa flood control dahil alam nating may mountain runoff, may malalakas na ulan, at may mga lugar na madaling bahain. Ang flood control ay hindi para pigilan ang ulan. Ang flood control ay para hindi umabot sa loob ng bahay ng tao ang baha,” reklamo ni Torre.
“Bilang residente ng Davao City, hindi ako naghahanap ng palusot. Ang hinihingi ko ay resulta.”
Trending
- Lady Red Spikers nakamit ang ikalawang tagumpay
- Qatar tinambakan ang Iran 9 days bago ang opening ceremony ng Asian Games
- Isabelle Daza nagregalo ng cellphone sa tindera
- Katherine Luna fan mode nang makasama mga sikat na artista
- Dina Bonnevie sobrang love ang manugang niyang si Kristine Hermosa
- BARMM elections madugo
- Singil sa kuryente, bahagyang bababa ngayong Setyembre
- 55 wildlife traders, timbog sa operasyon ng DENR

