Maaaring may pananagutan ang Ateneo de Manila University sa pagkalunod at kalauna’y pagkamatay ng dalawa nitong atletang sina Rene Baterbonia at Divine Adili, ayon kay Alberto Agra, isang sports law professor.
Sinabi ni Agra na maaaring mapanagot ang paaralan gayundin ang coaches kung mapatutunayang may kapabayaan sa nasabing insidente.
“Kung puwede palang maiwasan, then nangyari nga ito, then puwedeng magkaroon ng liability, una ang eskwelahan, kung ito ay sanctioned ng school, at pangalawa, ‘yung mga coaches and coaching staff,” paliwanag ni Agra.
“[They] might have a liability dahil number one, sanctioned siya, at number two, mayroon ba siyang ginawang mga safety protocols, mayroon ba siyang polisiya tungkol dito, pwede ba sana itong naiwasan.”
Dagdag ni Agra, kahit may pinirmahang waiver ang pamilya ay hindi pa rin lusot sa pananagutan ang paaralan.
“Ang waiver, will only cover yung mga nafoforesee or nakikita nating pwedeng mangyari. Hindi kasama sa waiver ang negligence, unsafe practices, at ang lack of medical protocol,” ani Agra.
Ateneo ‘working closely’ with Adili, Baterbonia families after drowning incident
Bagamat hindi pa sigurado sa kung anong uri ng kaso ang posibleng isampa, sinabi ni Agra na maaaring makulong o magbayad ng danyos ang sinumang mapatutunayang may kapabayaan sa nasabing insidente.
Nanawagan din ang abugado sa mga mambabatas na magpasa ng karagdagang batas patungkol sa kaligtasan ng mga atletang estudyante, gayundin para mapanagot ang mga pagkukulang at kapabayaan ng mga eskwelahan.
“Mayroon tayong batas tungkol sa student protection pero unfortunately, itong batas na ito, tila kulang, dahil hindi pinag-uusapan ‘yung sinasabi nating safe sports,” ani Agra.

Share.
Exit mobile version