Hindi na kailangan sumailalim sa panibagong quarantine sa Pilipinas ang 38 Filipino crew members ng cruise ship na MV Hondius matapos nilang makumpleto ang 42-day quarantine sa Netherlands, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sapat na ang naturang quarantine period upang matiyak na hindi nahawa ng hantavirus ang mga Pilipinong seafarers.
“After that, normal na sila. I mean, sigurado na tayong wala silang hantavirus. So, pwede na silang bumalik, ride a commercial plane and come home with their family immediately. Wala ng second quarantine dito,” ani Herbosa habang dumadalo sa World Health Assembly sa Geneva, Switzerland.
Ayon sa mga eksperto, ang hantavirus ay naipapasa sa pamamagitan ng matagalang close contact sa infected individual at exposure sa laway, ihi, o dumi ng infected rodents.
Nakipagpulong din umano si Herbosa kay Dutch Health Minister Sophie Hermans upang talakayin ang sitwasyon ng mga Filipino seafarers.
“Sabi niya, they will continue to take them in and then hopefully makabalik sila. Or some of them are actually going to work after magka-clearance sila,” dagdag ni Herbosa.
Sinabi rin ng DOH na direktang mino-monitor ng Epidemiology Bureau ang kondisyon ng mga Pilipino sa pamamagitan ng video consultation at wala pa umanong nagpapakita ng sintomas ng sakit.
Natapos ang biyahe ng MV Hondius sa Rotterdam harbor matapos ang ilang linggong paglalayag habang may mga pasaherong nagkasakit. Nauna nang bumaba ang mga pasahero sa Canary Islands noong Mayo 10 upang makauwi sa kani-kanilang bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng World Health Organization, nasa 11 kaso na ng hantavirus ang naitala, kung saan siyam ang kumpirmadong positibo.
Ayon pa kay Herbosa, nananatiling employed at insured ang mga Filipino seafarers habang sila ay naka-quarantine alinsunod sa kanilang kontrata.

Share.