Natagpuang palutang-lutang ang tinatayang P20 milyong halaga ng cocaine sa baybayin ng Rizal, Palawan nitong Lunes ng hapon, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa ulat, natuklasan ng isang mangingisda ang mga kontrabando na nasa layong 25 nautical miles mula sa Barangay Taburi. Ang hinihinalang cocaine ay nakasilid sa dalawang pakete na binalot sa itim na plastik.
Agad itong kinuha ng mga pulis para sa dokumentasyon at pagsusuri sa laboratoryo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at kung sino ang nasa likod ng ilegal na droga.
Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mangingisda sa agarang pag-uulat ng insidente, at iginiit ang kahalagahan ng kooperasyon ng publiko laban sa ilegal na droga.
“Malaking bagay ang pakikipagtulungan ng ating mamamayan sa mga ganitong sitwasyon. Ang simpleng pagre-report ng kahina-hinalang bagay ay malaking tulong upang maiwasan ang pagkalat ng ilegal na droga sa ating mga komunidad,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, paiigtingin pa ng PNP ang pagbabantay sa mga baybayin at karagatan katuwang ang iba pang ahensya upang maiwasan ang pagpupuslit ng droga sa pamamagitan ng dagat.

Share.