UMABOT sa 34 pamilya ang nawalan ng tirahan habang 15 residente naman ang napaulat na sugatan sa naganap na sunog na tumupok sa may 70 kababayan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Brgy. 160 East Libis, Baesa, dakong alas-10:35 ng gabi sa hindi pa matukoy na dahilan na mabilis kumalat sa mga kahabayan na karamihan ay pawang mga gawa lamang sa kahoy.

Sa bilis ng paglaki ng apoy, karamihan sa mga residente ay nataranta na sa pagkukumahog na mailigtas ang mahahalagang gamit na naging dahilan upang karamihan sa kanila ay nagtamo ng bahagyang paso sa katawan habang ang ilan ay nakatapak ng matatalim at matutulis na bagay.
Aminado ang Caloocan Burau of Fire Protection (BFP) na nahirapan sila sa pag-apula kaagad ng apoy dahil hindi makapasok ang kanilang mga firetruck sa maliit na lansangang patungo sa lugar.

“Kaya po ang nangyari, halos karamihan ng mga fire trucks, dito na lang naka-puwesto sa may NLEX at pinagdugtong-dugtong na lamang ang fire hose para kaagad maapula ang apoy,” pahayag ng Comander ng Talipapa Fire Station.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago na-kontrol ng mga bumbero ng alas-12:17 hanggang tuluyang ideklarang fire out ng alas-12:41 na ng madaling araw ng Linggo.

Pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. 160 ang apektadong mga pamilya habang wala naman napaulat na nasawi sa sunog na tumupok sa tinatayang P500,000.00 halaga ng mga ari-arian habang inaalam pa ang pinagmulan ng nito. (RPanizal)

Share.