NAGKALOOB ang Government Service Insurance System (GSIS) ng digital learning tools na nagkakahalaga ng ₱400,000 sa Anahao Primary School sa Bontoc, Southern Leyte.
“Hindi lamang kagamitan ang dala nito. Bawat device ay simbolo ng pag-asa—paniniwala na bawat batang Pilipino, gaano man kalayo, ay may karapatang makamit ang dekalidad na edukasyon,” ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso.
Napabilang ang Anahao Primary School sa GSIS Adopt-a-School Program—isang inisyatibang tumutulong sa mga paaralan sa liblib na lugar na kulang sa akses sa makabagong teknolohiya.
Ang donasyon ay binubuo ng: 3 laptops; 3 50-inch UHD TV; 4 printers ;at 7 tablets na may stylus pens.
Layon nitong palakasin ang digital instruction sa paaralan, kung saan dating sariling gadgets ng guro ang gamit sa pagtuturo.
May 41 mag-aaral ang paaralan—kalahati sa kanila ay benepisyaryo ng 4Ps program. Pinamumunuan ito ng isang school head na may kasama lamang na tatlong guro sa isang multi-grade na setup. Matagal na itong nakakaranas ng kakulangan sa modernong kagamitan pang-edukasyon.
“Hindi ito basta donasyon—ito’y mensahe ng pag-asa at pagkakaisa. Lubos ang aming pasasalamat sa GSIS sa pakikiisa sa aming misyon: ang maihatid ang karapat-dapat na edukasyon sa aming mga anak,” pahayag ni School Head Ronillo Arguelles.
Sinusuportahan din ng proyekto ang kampanya ng Department of Education na Bayang Bumabasa, Bawat Bata Bumabasa, Bawat Bata Marunong Magkwenta—sa pagpapahusay ng lesson planning, classroom engagement, at akses sa digital learning.
Pormal na isinagawa ang turnover ng kagamitan sa pangunguna nina GSIS Maasin Branch Manager Edel Mae Magbanua at GSIS Corporate Social Advocacies Manager Ryan Palad.

 

Share.