Tinatayang 90% nang kumpirmado ng pulisya ang pagkakakilanlan sa babaeng natagpuang wala nang buhay sa loob ng refrigerator sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Police Lt. Col. Arwyn Gaffud, hinihintay na lamang ang resulta ng DNA test para tuluyang makumpirma kung ang biktima ay anak ng pamilyang tumukoy sa kanya.
“Mga almost going 100% na. Meron na po sir, 90% siguro po sir. Ang hinihintay na lang po natin siguro sir is ’yung DNA result,” sabi ni Gaffud.
Sinabi pa ni Gaffud na nagsagawa na ng DNA testing sa Rizal Provincial Police Office habang nagpapatuloy naman ang pag-iinterbyu sa mga testigo.
Layunin umano nito na makakuha ng karagdagang ebidensya para matukoy ang posibleng suspek at maisampa ang kaukulang kaso.
Bagama’t hindi pa pormal na kinukumpirma ng pulisya ang identity ng biktima, sinabi ni Gaffud na nakilala siya ng ama batay sa ilang personal na palatandaan, kabilang ang kamay at mga damit na suot nito.
“Aside doon po sir… ’yung kamay, ’yung daliri po and even po ’yung mga damit po na ginamit is medyo familiar po sa papa,” sabi ni Gaffud.
Ayon sa imbestigasyon, huli umanong nakipag-ugnayan ang biktima sa kanyang pamilya noong Setyembre 7 o 8.
Nalaman naman umano ng pamilya na nasa Rodriguez ang biktima matapos marinig sa balita ng isang kamag-anak ang kasong ito.
Samantala, nagpapatuloy ang pagtugis sa person of interest na sinasabing huling kasama ng biktima.
Ayon kay Gaffud, may impormasyong ibinigay ang pamilya tungkol sa pangalan ng lalaki, ngunit iba ito sa pangalang unang nakuha ng pulisya.
Pamilyar naman umano sa pamilya ang larawang ipinakita ng pulisya, bagama’t hindi nila lubusang kilala ang lalaki.
Patuloy ang panawagan ng pulisya sa person of interest na makipag-ugnayan sa kanila kung wala itong kinalaman sa krimen.
“Kung sakaling ’yung ating POI eh malinis po ’yung kanyang ano, eh puwede po siyang makipag-ugnayan sa atin dito para malaman natin kung talaga nga pong hindi po siya ’yung ating person of interest doon sa nangyaring krimen.”
Samantala, wala pang nakumpirmang kasong naisampa laban sa sinuman kaugnay ng insidente.
Umaasa ang pulisya na makatutulong ang mga nakalap na impormasyon upang matukoy ang taong responsable sa krimen at maisampa ang kaukulang kaso.
Trending
- NU target ang korona sa SSL Unity Cup
- Aby magreretiro na sa paglalaro ng volleyball
- Edu, may masakit na mensahe sa mga korap
- Kim, waging Best Global Star sa SoKor
- Priscilla, sinabihang may asim pa
- 19 pagyanig naitala sa paga-alboroto ng bulkang Mayon
- DILG, hinamon si Roque ilabas ang katibayan ng asylum approval
- DFA, tumangging magbigay ng detalye sa kinaroroonan ni Zaldy Co sa France

