Arestado ang limang katao na sangkot sa ilegal na operasyon ng notary public sa Maynila, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Sabado.
Ayon sa NBI, inaresto ng NBI-Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD) ang lima noong Huwebes, Abril 23, kasunod ng reklamong inihain ng isang notary public sa lungsod.
Batay sa nagreklamo, ginagamit umano ang kanyang Notarial Commission, kabilang ang kanyang notarial stamp at seal, nang walang kanyang kaalaman at pahintulot.
Kinumpirma ito ng NBI-FFCD sa pamamagitan ng test-buy operation, kung saan napatunayang ginagamit ang Notarial Commission ng nagreklamo pati ang kanyang pekeng pirma.
Sa isinagawang entrapment operation, nagpanggap ang isang undercover agent bilang kliyente at nagsumite ng affidavit of loss para ipa-notaryo. Nahuli ang mga suspek habang aktuwal na isinasagawa ang notarization process.
Haharap ang limang indibidwal sa kasong falsification of public document by private individuals, possession of instruments or implements intended for the commission of falsification, at attempted estafa.

Share.
Exit mobile version