Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 24 na bus ng North Genesis Bus Line, Inc. dahil sa naganap na aksidente sa Marcos Highway, Baguio City na ikinasawi ng konduktor at ikinasugat ng anim na pasahero nitong Martes, Hunyo 16, 2026.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang 30-araw na suspensiyon bunsod ng direktiba ni Department of Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez habang iniimbestigahan kung may mga regulasyong nilabag ang kompanya sa kanilang Certificate of Public Convenience.
“We commit to an impartial and no-nonsense investigation not only because it is our mandate but because it is the life and limb of commuters that are stake when it comes to public transportation,”   pahayag ni Chairman Vigor.
Sa imbestigasyon ng pulisya, Naganap ang insidente nitong Martes ng madaling-araw, Hunyo 16, sa Kilometer 6, Marcos Highway.
Patungong Baguio City ang bus nang mabangga nito ang isang nakaparadang trak sa gilid ng kalsada. Naipit sa loob ng sasakyan ang konduktor na naging sanhi ng kanyang pagkamatay, habang dinala naman sa pagamutan ang anim na sugatang pasahero.
Bukod sa pagkakasuspinde ng 24 bus, nagpalabas din ng show cause order ang LTFRB na nag-aatas sa kompanya na isuko ang mga plaka ng 24 na suspindidong bus upang matiyak na hindi makabiyahe ang mga ito, isailalim sa drug test ang lahat ng kanilang drayber; at isailalim sa road worthiness inspection ang mga natitirang yunit.
Inatasan din ng LTFRB ang bus company na magsumite ng notarized na paliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan sa pagkuha ng iresponsableng drayber.
Ipinag-utos pa ng ahensya, na dapat mapabilis ang pagbabayad ng insurance sa pamilya ng nasawi at sa mga nasugatan.
Paalala naman ni Vigor sa mga operator at drayber ng pampublikong sasakyan na suklian ng ligtas na paglalakbay ang tiwalang ibinibigay sa kanila ng mga pasahero. 

Share.
Exit mobile version