Dalawang sport utility vehicle (SUV) na pag-aari ng mga miyembro ng isang political party ang sinira umano ng mga partisanong grupo nitong Lunes, Setyembre 14, habang isinasagawa ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.
Nakatigil ang dalawang sasakyan sa gilid ng Sinsuat Avenue, sa labas mismo ng Sero Elementary School, kung saan isinasagawa ang pagboto.
Wala pang 100 metro ang lugar mula sa Cotabato City Police Precinct 2.
Nagdulot ng takot at pagkabahala sa mga botante at mga dumaraan ang insidente, lalo na’t kasabay nito ang aktwal na operasyon ng mga polling precinct sa loob ng paaralan.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Cotabato City Police Office katuwang ang mga opisyal ng barangay upang matukoy ang mga responsable sa paninira at mapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.
Nauna nang isinailalim ng Commission on Elections (COMELEC) sa kontrol nito ang Cotabato City kasunod ng serye ng mga insidente ng karahasan na may kaugnayan sa halalan nitong Linggo ng gabi at nitong Lunes.
Ang mga insidente ay naganap kasabay ng unang regional parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Share.
Exit mobile version