Naaresto ang 19-anyos na lalaki dahil sa umano’y panghihikayat sa mga menor de edad na gumawa at magpadala ng seksuwal na mga larawan at video kapalit ng Robux, ang virtual currency ng online game na Roblox.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Sabado, isinagawa ng Violence Against Women and Children Division (VAWCD) ang operasyon sa Pampanga noong Hunyo 30.
Ito ay matapos umanong makatanggap ng referral mula sa Department of Justice Office of Cybercrime hinggil sa umano’y online enticement ng isang menor de edad para sa paggawa ng child sexual abuse or exploitation materials.
Sa imbestigasyon, natukoy na hinihikayat umano ng suspek ang mga bata na makipagtalik o magpadala ng seksuwal na mga larawan kapalit ng Robux.
Iniugnay rin ng digital investigation ang suspek sa ilang CyberTipline Reports na may kaugnayan sa online sexual exploitation ng mga bata at pamamahagi ng child sexual abuse materials sa iba’t ibang mga online account.
Lumabas din sa record check na nauna nang nagsampa ng reklamo ang ina ng isang 10-anyos na biktima.
Ayon sa reklamo, nakipagkaibigan umano ang suspek sa bata sa pamamagitan ng Roblox, minanipula itong gumawa at magpadala ng malalaswang video, at kalaunan ay pinilit pa umano itong sumunod sa kanyang mga utos.
Matapos ang cyber at digital forensic investigation, isinilbi na ang warrant at nakumpiska ang cellphone ng suspek kung saan natagpuan umano ang maraming child sexual abuse or exploitation materials.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad na aktibo pa umanong nakikipag-usap online ang suspek sa isa pang 12-anyos na bata na hinihikayat din umano nitong gumawa ng seksuwal na gawain.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek noong Hulyo 1 para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Share.
Exit mobile version