Naghain ng reklamo ang Bureau of Customs (BOC) nitong Martes sa Department of Justice (DOJ) laban sa 14 indibidwal, kabilang ang siyam nitong personnel, kaugnay ng umano’y misdeclared agricultural products sa Port of Subic.
Ayon sa BOC, anim na reklamo ang inihain dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) laban sa mga may-ari at kinatawan ng Berches Consumer Goods Trading at mga BOC personnel na nakatalaga sa pagsusuri at pagtatasa ng mga produkto.
Aabot umano sa P17.5 milyon ang halaga ng misdeclared na puting sibuyas at carrots, ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Dapat aniya itong magsilbing babala, kabilang na sa mga tauhan ng ahensya, na mananagot ang sinumang lalabag sa batas.
“Ito ay utang natin sa ating mga kababayan, ating mga magsasaka, mangingisda na naghihirap araw-araw upang kumita nang tama, magtrabaho nang marangal at itong mga smugglers ay hindi nahihiya sa kanilang patuloy na pagsubok na kumita sa pamamagitan ng smuggling,” ani Nepomuceno.
Nagbabala rin siya sa publiko sa posibleng panganib sa kalusugan ng pagkonsumo ng mga smuggled na produkto.
“Delikado kapag smuggled. Hindi natin alam dahil merong epekto sa kalusugan. Hindi sila kumukuha ng tamang permiso sa Department of Agriculture, in particular halimbawa sa [Department of Trade and Industry],” dagdag pa niya.
Nasa ilalim na rin aniya ng preventive suspension ang mga respondent na opisyal ng BOC.
Samantala, sinabi ni Nepomuceno na maghahain din ang BOC ng reklamo para sa paglabag sa Anti-Agricultural Sabotage Act matapos lumampas sa P10 milyon ang halaga ng mga produkto.
